Top 1 drug personality sa Novaliches, arestado!
Droga, baril, pampasabog nasamsam
MANILA, Philippines — Arestado sa mga awtoridad ang itinuturing top 1 drug personality sa Novaliches sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni QCPD Director, P/Col. Ronnie Montejo ang suspek na si Roban Valenzuela, 43, ng Abbey Rd., Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City.
Nabatid na dakong ala-1:00 ng madaling araw nang isinagawa ang buy-bust laban kay Valenzuela sa Jade St., corner Diamond Ave. Greenheights Subd., Brgy. San Bartolome, Novaliches .
Ayon sa report, umabot sa tatlong linggo na isinailalim sa surveillance si Valenzuela bago ito naaresto.
Nasamsam sa nadakip ang tatlong sachet ng droga na nagkakahalaga ng P68,000, isang Remington na shotgun na loaded ng 10 bala at pampasabog.
Base sa rekord ng pulisya, si Valenzuela ay may nauna na ring kasong murder at itinuturing na No.1 drug personality sa Novaliches, Quezon City.
- Latest