5 health care facilities, pinasinayaan ni Isko
Birthday Wish natupad
MANILA,Philippines — Kaalinsabay sa kanyang ika-45 taong kaarawan, pinasinayaan ni Manila Mayor Isko Moreno ang limang health care facilities na magbibigay ng kaginhawahan sa mga pasyente sa lungsod. Kasama si dating Manila Mayor Alfredo Lim, binuksan ni Moreno ang bagong dialysis center na Flora V. Villaroman de Siojo Dialysis Center na ipinangalan sa lola ng dating alkalde.
Ang nasabing dialysis center ay nasa tabi ng Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center na pinamumunuan ni Dr. Teodoro Martin.
Nabatid kay Moreno, bukod sa 91 dialysis machine, apat na bagong sasakyan din ang ibinigay sa GABMMC na siyang magsusundo at maghahatid sa mga pasyente sa kanilang bahay hanggang GABMMC. Sunod namang binuksan ni Moreno ang TB Dots, Hemodialysis at Blood Bank Center sa Ospital ng Maynila at Manila Health Vaccine Room sa Alvarez St. Sta Cruz, Manila.
Sinabi ni Moreno na mahalagang upgraded ang mga health care facility upang mas mabigyan ng maayos na pangangalaga at treatment ang mga pasyente. Samantala, naging matagumpay din ang panawagan ni Moreno sa taga-Maynila na maglinis ng kanilang bahay at tapat na regalo ng Manilenyo sa kanyang kaarawan. Nabatid na nagsagawa ng clean-up drive ang mga pulis at empleyado ng city hall gayundin ang flushing operations ng mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa bahagi ng Recto at Divisoria.
- Latest