Barker utas sa jeepney driver
Sinita dahil kolorum
MANILA, Philippines – Utas ang isang 21-anyos na barker ng mga pampasaherong dyip nang barilin ng isang driver ng kolorum sa pilahan, sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng umaga.
Dead on the spot ang biktimang si Rocky Villegas, residente ng New Panaderos St., Sta. Ana, Maynila dahil sa tatlong tama ng bala sa mukha at dibdib.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang tumakas na suspek na kilala lang sa alyas na Jomar, nasa 30-35 anyos, residente ng Pasig Line St., Sta. Ana, Maynila.
Bukod kay alyas Jomar, apat pang katao, isa ay kakambal umano ni Jomar ang dawit sa krimen.
Sa inisyal na ulat ni P/Master Sergeant Dennis Suba ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas 10:20 ng umaga kahapon nang maganap ang pamamaril sa New Panaderos St., sa Sta. Ana.
Nabatid na unang nakaalitan ng isang Dexter, tiyuhin ni Villegas, si alyas Jomar dahil sa pagsasakay ng pasahero sa pilahan gayung kolurum umano ito kaya pinaalis niya kahit hindi pa puno ng pasahero.
Ikinagalit ito ni Jomar kaya binalikan si Dexter hanggang sa mauwi sa suntukan ang pagtatalo.
Umalis si Jomar at sa pagbalik nito ay kasama niya ang kakambal at tatlo pang lalaki kaya tumulong na rin sa tiyuhin si Villegas nang magkasuntukan.
Nang bumunot ng baril si Jomar ay tumakbo at nagtago si Dexter kaya ang nabalingan ay si Villegas na nakitang nakasakay sa estribo habang nakataas na ang kamay at nakikiusap umanong huwag siyang barilin subalit pinagbabaril siya ni Jomar.
Matapos ang pamamaril ay nagsitakas ang mga suspek.
- Latest