Poll protest ni Eusebio vs Mayor Vico ibinasura ng Comelec
MANILA, Philippines — Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) Second Division ang electoral protest ni dating Pasig City Mayor Bobby Eusebio laban kay Pasig City Mayor Vico Sotto dahil sa ‘insufficiency in form and substance’.
Sa pahayag ni Comelec spokesperson James Jimenez, naging unanimous ang desisyon sa pagbasura sa poll protest na inilabas noong Agosto 30.
Paliwanag ni Jimenez, nabigo ang panig ni Eusebio na mapatunayan o maidetalye na nagkaroon ng dayaan o iregularidad sa mga kinukuwestiyon na polling precincts.
Si Sotto, na anak ng aktor na si Vic Sotto at actress na si Coney Reyes, ay tumalo kay Eusebio ng mahigit 100,000 votes noong nakaraang May 2019 polls.
Unang nagsilbing konsehal ng Pasig City si Vico mula 2016 hanggang 2019 at nagpasyang tapusin ang pamamayagpag ng mga Eusebio simula pa noong 1992.
- Latest