Mga tindahan ng imported meat products sa Maynila, pinasasara
MANILA, Philippines — Pinasasara ni Manila Mayor Isko Moreno sa Bureau of Permits and Licenses Office (BPLO) ang mga meat shops sa lungsod na nagbebenta ng mga imported na karne.
Ang kautusan ni Moreno ay bunsod ng pagkakasabat ng 65-kilo ng illegal Chinese meat ng mga tauhan ng Veterinary Inspection Board-Special Enforcement Squad at National Meat Inspection Service (NMIS) kamakalawa ng hapon sa Aranque Market sa Binondo, Manila.
Ang mga nakumpiskang karne ng baka, baboy at peking duck mula China ay mahigpit na ipinagbabawal.
“Ang lahat ng tindahan na magke-cater ng iligal na karne, lalo na ‘yang galing sa China na hindi allowed, babala ko po sa inyo, iwi-withdraw namin ang business permit ninyo,” ani Moreno.
Nanawagan din si Moreno sa mga importers na huwag dalhin sa Maynila ang mga iligal na karne dahil ang kalusugan at buhay ng publiko ang nakasalalay dito.
Pinahahanda rin ni Moreno sa Manila City Legal Office ang kaso laban sa mga meat shops.
- Latest