PUV modernization tuloy kahit magtigil-pasada
MANILA, Philippines — Hindi mapipigilan ng bantang tigil-pasada ang Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan.
Ayon kay Department of Transportation Sec. Arthur Tugade, tuloy ang PUV modernization dahil itinuturing itong pinakamalaking transformational initiative ng administrasyong Duterte.
Sinabi ni Tugade, sa PUV modernization ay papalitan ang mga kakarag-karag, mausok at takaw-disgrasyang pampublikong sasakyan ng mga modernong PUV.
Magbibigay ng subsidy ang gobyerno para sa mas ligtas, kumbinyente at maginhawang pagbibiyahe ng mga pasahero.
Una rito ay nagbanta ng nationwide transport strike ang mga driver ng PUV na tutol sa modernization program.
Ang grupo ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ni Efren de Luna ang nagsabing mangunguna sa tigil-pasada sa araw ng Lunes.
Tinututulan ng ACTO ang ilang probisyon ng modernization program na sa tingin nila ay imposible para sa mga driver at operator na sundin gaya ng requirement na magkaroon ng sariling depot o terminal.
Ang PUV modernization na inilunsad ng DOTr noong 2017, ay nag-oobliga sa mga operator na palitan ang mga lumang modelo ng sasakyan ng Euro-4 powered alinsunod sa industry standards.
- Latest