3 Koreano timbog sa P.5-M puslit na sigarilyo
MANILA, Philippines — Nalambat ng mga ahente ng National Bureau of Investigation -Special Action Unit (NBI-SAU) ang tatlong Korean nationals na nahulihan ng mga puslit na sigarilyong nagkakahalaga ng P500,000 sa isinagawang entrapment operation sa Bacoor, Cavite nitong nakalipas na Martes (Hulyo 9).
Sa pulong-balitaan kahapon ng umaga, iniharap nina NBI deputy director for Investigative Service Vicente De Guzman III ; kasama sina Special Agent Emeterio Dongallo Jr, hepe ng NBI-SAU; Philippine Coast Guard Task Force Aduana acting commander Leopoldo Appillanes; at Public Information Office chief Nick Suarez ang mga suspek na kinilalang sina Young Kook Kim, Jong Kook Choi, at Gee Poong Lee.
Ang pagkadakip sa mga banyaga ay nag-ugat sa natanggap na impormasyon hinggil sa mga smuggled cigarettes na ipinapakalat sa merkado at naibebenta sa mababang halaga kumpara sa mga legal na sigarilyo.
Matapos ang isinagawang surveillance na nagkumpirma sa iligal na aktibidad ng mga dayuhan, nakipag-ugnayan ang NBI-SAU sa local na awtoridad sa Bacoor, Cavite, katuwang din ang Customs Intelligence and Investigation Service, Customs Police, Customs examiners at PCG at sinalakay ang shop ni Young sa Units 3 at 4 sa Zapote V, Longos, Bacoor.
Nasamsam ang kahun-kahong mga puslit na sigarilyo nang mabigo ang mga suspek na makapagprisinta ng importation documents.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act. (With trainee Keanna Tiatco)
- Latest