800K na pasahero ng MRT-3, napagsilbihan ng P2P bus
MANILA, Philippines — Iniulat ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na mahigit sa 800,000 mga pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang napagsilbihan ng Point to Point (P2P) bus augmentation project ng kagawaran.
Ayon sa DOTr, hanggang nitong Mayo 24, 2019, kabuuang 821,752 na pasahero ng MRT-3 ang naisakay ng kanilang idinedeploy na 11,138 bus units, na may 12, 375 trips.
Sinabi ng DOTr, ang serbisyo ay available tuwing weekdays mula alas-6:00 hanggang alas-9:30 ng umaga.
Bumibiyahe ang mga naturang bus units mula sa MRT-3 North Avenue Station, patungo sa Ortigas at Ayala Stations.
Anang DOTr, malaking tulong sa mga pasahero ng MRT-3 na nahihirapang makasakay kapag rush hour papasok sa eskwela at kani-kanilang trabaho.
Ang P2P Bus Augmentation Project ay isang joint initiative ng DOTr at MRT-3, katuwang ang Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) at i-ACT Alpha/Bravo teams. Tiniyak ng DOTr na magpapatuloy ang Bus Augmentation Project ng pamahalaan sa mga susunod ng mga araw, buwan at taon.
- Latest