Water summit sa Quezon City, balak ni Joy B.
MANILA, Philippines — Nais ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na magkaroon ng water summit sa lungsod upang makabuo ng mga paraan at solusyon na tutugon sa nararanasang water crisis.
Kasabay nito, hinikayat din ni Belmonte ang mga residente sa lungsod na ugaliing magtipid ng tubig kaugnay nga sa nararanasang kakulangan nito sa maraming lugar sa Metro Manila.
“We should use water wisely especially now that we are experiencing the effects of El Niño, lalo na sa mga tahanan natin dahil diyan nagsisimula ‘yung practice ng water conservation, also, establishments should not forget to check their water system for leakages. “pahayag ni Belmonte.
Hiniling din nito sa mga taga-QC na ipaalam agad sa mga kinauukulan ang mga sirang tubo ng tubig na makikita sa mga paaralan, mga opisina at alinmang establisimiyento upang agad itong makumpuni at hindi na makadagdag pa sa problema sa kakapusan ng suplay ng tubig.
“In offices and schools, let us also use reusable water bottles so that we do not have to use utensils that need to be washed. We must all be conscious of the water we consume not just at home but wherever we are,” dagdag ni Belmonte.
Anya, apektado ng water service interruption ang ilang bahagi ng Quezon City habang sa ilang barangay naman ay may mahinang pressure ng tubig.
Inihalimbawa ni Belmonte ang naranasang kakulangan sa suplay ng tubig nang magkasunog sa Baesa kaya nahirapan ang mga bumbero na maapula ang sunog.
Hinikayat din nito ang mga restaurant owners na ipairal ang Anti-Water Wastage ordinance na layong magkaloob lamang ng tubig sa mga customer na humihingi ng tubig. Anya may ilang customers na bibigyan ng tubig pero ayaw nila tuloy nasasayang lang ang tubig.
- Latest