7 pulis-Las Piñas, arestado sa kidnap
MANILA, Philippines — Pitong pulis na nakatalaga sa Las Piñas City ang sinilbihan ng arrest warrant ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Regional Police Office, Regional Special Operation Unit (NCRPO, RSOU) at Cavite Provincial Police Office (PPO) matapos masangkot sa kidnap for ransom.
Iprinisinta kahapon ni NCRPO chief Police Major General Guillermo Eleazar ang mga suspect na sina PSSgt. Joel Lupig; P/Corporal Vener Gunalao; P/Cpl Jayson Arellano; Pat. Jeffrey De Leon; Pat. Mark Jefferson Fulgencio; Pat. Raymart Gomez at Patrolman Erickson Rivera, dating mga nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU), ng Las Piñas City Police.
Ayon kay Eleazar, alas-5:15 kamakalawa ng hapon, isinilbi ng operatiba ang warrant of arrest na inisyu ni Acting Presiding Judge Jose Lorenzo R. Dela Rosa, ng 4th Judicial Region, Branch 134, Tagaytay City laban sa pitong pulis habang ang mga ito ay nasa Regional Headquarters Support Unit (RHSU) NCRPO, Camp Bagong Diwa, Brgy. Bicutan, Taguig City.
Base sa record ng NCRPO, Nobyembre 21, 2018 ay nasangkot sa kidnap for ransom case ang nabanggit na mga pulis matapos umanong dukutin ang drug suspect na si Cyrus Wency Lugutan at hingan ng pera ang kapatid nitong babae na si Shelane para sa kalayaan nito.
Kung saan ginamit pa ng mga nabanggit na mga pulis ang isang menor de edad para kumubra sa perang hinihingi nila mula sa pamilya ng dinukot nilang umano’y drug suspect. Ang menor de edad ang siya namang nadakip sa isinagawang entrapment operation.
Nagsitakas ang mga suspect matapos magkabukuhan pero sumuko din kalaunan at isinailalim sa restrictive custody.
Kamakalawa ay lumabas na ang warrant of arrest laban sa mga ito kaya sila tuluyang isinailalim sa pag-aresto sa kinasasangkutang kasong kidnap for ransom. (May ulat si Cristina Timbang)
- Latest