5 pang warrant of arrest, isinilbi sa dayuhang pari
MANILA, Philippines — Isang paring Amerikano ang sinilbihan ng limang warrant of arrest ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) kahapon habang nakakulong ito sa Bureau of Immigration Detention Cell sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Alas-11:00 kahapon ng umaga ay personal na inihain ni NCRPO Director Guillermo Eleazar ang limang warrant of arrest laban kay Father Kenneth Pius Hendricks, na nakulong noon pang Disyembre 5, 2018 sa nabanggit na detention cell.
Ang nabanggit na mga warrant of arrest ay inisyu ni Acting Presiding Judge Constantino F. Esber, ng Eight Judicial Regional Trial Court (RTC) Branch 16, Naval, Biliran dahil sa mga kasong Acts of Lasciviousness (In Relation to sec 5-b, Republic Act 7610 o Child Abuse).
Ipinatupad ito ng pinagsanib na pwersa ng Regional Special Operations Unit (RSOU)-NCRPO, Bureau of Immigration Fugitive Search Unit at ng US Department of Homeland Security.
Lumalabas sa rekord na ang naturang akusado ay isang Franciscan priest, ay nang-molestiya ng mahigit 50 katao, na karamihan ay mga sakristan, na nasa edad- 7-anyos.
Nabatid na si Hendricks mula sa Cincinnati, Ohio, USA ay dumating sa Pilipinas noong 1968, na naordinahan bilang pari sa Franciscan Order at nag-practice ng kanyang bokasyon sa Saint Isidore the Worker Chapel sa Talustosan Village, lalawigan ng Biliran.
Matatandaan, na si Hendricks ay inaresto ng Bureau of Immigration Fugitive Search Unit nitong nakaraang Disyembre 5, 2018 sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Stephanie Bowman, US magistrate judge ng US District Court, distrito ng Ohio noong Nobyembre 11, 2018 dahil sa kasong “engaging in illicit sex with a minor” sa ibang bansa na may parusang 30-taong pagkakulong.
- Latest