Malabon-Taguig train ng PNR, pinasinayaan
MANILA, Philippines — Pinasinayaan kahapon ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) ang Philippine National Railways (PNR) Malabon-Taguig train segment nito.
Ang simpleng seremonya ay isinagawa nitong Lunes ng umaga sa North Harbor Link Segment 10 sa Gov. Pascual, Malabon City.
Mismong si Transportation Secretary Arthur Tugade ang nanguna sa pagpapasinaya sa Gov. Pascual platform at Sangandaan-Gov. Pascual segment ng naturang train system.
Nabatid na ang biyahe ay magmumula sa Gov. Pascual hanggang sa FTI station kung saan P25 ang pamasahe para sa airconditioned coaches at P20 naman para sa non-airconditioned trains.
Ayon sa DOTr, aabutin lamang ng hanggang 58 minuto ang biyahe para sa nasabing ruta.
Mayroon umano itong hanggang apat na biyahe kada araw para sa Tutuban-Gov. Pascual route at pabalik. Mayroon namang walong biyahe araw-araw sa Gov. Pascual-FTI route at pabalik.
- Latest