SUV nahulog sa Pasig River: Executive ng PAG-IBIG sugatan
MANILA, Philippines — Sugatan ang Vice president for Operations ng PAG-IBIG-NCR matapos mahulog sa Pasig River ang sinasakyan nitong SUV sa Makati City noong Huwebes ng gabi.
Nasa stable condition na si Erlinda Francisco, nang dalhin ito sa Saint Luke’s Hospital, BGC, Taguig City.
Wala namang nangyari sa isa pang pasahero na si Bhecky Pangan dahil bumaba ito ng sasakyan para bumili ng gamot sa isang drug store.
Base sa report, naganap ang insidente pasado alas-10:00 ng gabi sa Northbound ng Guadalupe, Makati City.
Sabi ng hepe ng Makati City Police na si Sr. Supt. Ro-gelio Simon, naka-park sa naturang lugar ang isang Toyota Fortuner nang bumaba ang driver nito na si Luis Ponciano.
Ngunit naiwang nakabukas ang makina ng sasakyan at nasa loob ang pasaherong si Francisco hanggang sa umatras at nahulog ang naturang SUV sa Pasig River.
Ayon sa driver na si Ponciano, bago aniya siya lumabas ng sasakyan ay inangat muna niya ang handbrake.
Nabatid kay Makati City Traffic Bureau investigator na si SPO2 Wilson Nacino, tinitingnan nila ang mechanical failure na dahilan ng pag-atras ng sasakyan.
- Latest