LTO, PDEA nag-ikot sa bus terminals sa QC
Paghahanda sa undas
MANILA, Philippines — Dinadagsa na ng mga pasahero ang mga bus terminal sa Quezon City partikular sa Cubao Araneta terminal at sa EDSA bus para makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya para sa Undas.
Kahapon, magkasamang nagsagawa ng pag-iikot ang mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para tingnan at inspeksiyunin ang kaayusan ng mga bus terminals sa lungsod para matiyak na nagbibigay ng sapat na serbisyo sa mga mananakay.
Sinuri ng mga elemento ng LTO ang papeles ng mga bus na tutungo sa iba’t ibang destinasyon sa mga lalawigan at ininspeksiyon din ang mga ilaw, brakes at gulong ng mga bus para sa kaligtasan ng mga pasahero .
Isang driver naman na pabiyaheng Naga City sa Bicol ang hindi nakapagma-neho kahapon dahil natuklasang paso na ang kanyang lisensiya.
Nagsagawa naman ng sorpresang drug test ang mga tauhan ng PDEA sa mga bus drivers at isang driver ang nahuling positibo sa paggamit ng illegal drugs kaya’t hindi rin ito pinayagang makapagmaneho at inerekomenda sa kinauukulang tanggapan para ito maaksiyunan.
Nabatid na round the clock ang gagawing pagmo-monitor ng LTO at PDEA sa mga bus terminals sa Metro Manila hanggang sa matapos ang paggunita sa Undas.
- Latest