HVT sa drug list tumaas ng mahigit 100 –PNP
MANILA, Philippines — Tumaas pa ng mahigit sa 100 ang mga tinutugis na High Value Target (HVT) kaugnay ng patuloy na anti-drug campaign ng Philippine National Police (PNP) upang tuldukan ang problema sa droga sa bansa na siyang ipinangako sa bayan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inamin kahapon ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde base sa monitoring ng intelligence operatives ng pambansang pulisya.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Albayalde na mula sa naitalang 9,866 target na high value targets na naitala mula Hunyo 30, 2018 hanggang Agosto 15, 2018 ay tumaas ito sa 9, 972 o 106 na nadagdag sa listahan kumpara ng nasabing period noong nagdaang taon.
“With this new working figure, we are setting our sights on 1,003 High-Value Targets as subjects of police interdiction operations thru buy-bust operation and service of warrants of arrest and search warrants”, ani Albayalde mula sa kabuuang nalalabi pang target na HVT.
Ang pagtaas ng bilang ng HVT sa drug list ay sa kabila ng puspusang anti-drug campaign ng PNP sa buong bansa.
Sa kabila nito, sinabi ni Albayalde na hindi naman siya dismayado dahilan, tuluy-tuloy ang anti-drug campaign ng PNP anti-drug operatives.
‘Actually ito yung result nag pagre-revalidate natin. Continuous ito.
Hindi pwedeng mag-stick sa isang listahan. Itong problema natin sa droga sabi nga ng Pangulo it’s far from over kaya kailangan natin I-update ang list“, anang PNP Chief.
Sa tala, sinabi ni Albayalde na nasa 4,959 namang HVTs ang sumurender; 2,825 ang nasakote at 654 ang hindi na matagpuan sa mga dating tirahan o drug den.
Samantalang nasa 258 namang HVT ang napatay at 322 pa ang mga nasa tala ng kaso ng homicide ang patuloy na iniimbestigahan.
Ipinaliwanag pa ni Albayalde na hindi ito nangangahulugan na nagpapabaya ang pulisya bagkus ay ipinakikita lamang ng PNP operatives na patuloy silang nagtratrabaho upang malinis ang bansa laban sa illegal na droga.
- Latest