Peter Lim pinaaaresto ng korte
MANILA, Philippines — Nag-isyu na kahapon ng warrant of arrest ang Makati City Regional Trial Court (RTC) laban sa negosyanteng si Peter Lim dahil sa pagkakasangkot ng pangalan nito sa illegal drug trade.
Ang warrant of arrest ay inisyu ni Judge Gina Bibat-Palamos, ng Branch 65 kontra kay Lim, matapos itong maharap sa kasong paglabag sa Section 5 Article 2 ng “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o conspiracy to commit illegal drug trade”.
Nabatid na kamakalawa ay nagsumite ng motion sina Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera; Se-nior Assistant State Prosecutor Anna Noreen Devanadera at Associate Prosecution Attorney Herbert Calvin Abugan, ng Department of Justice (DOJ) sa naturang sala para atasan ang Bureau of Immigration (BI), na mag-isyu ng hold departure order (HDO) kontra kay Lim para hindi na ito makalabas ng bansa.
Nakatanggap pa ng impormasyon na madalas umanong mag-abroad si Lim at kamakakailan nga ay nakabalik ito ng bansa.
Si Lim ay isa sa ikinumpisal ni Kerwin Espinosa sa mga awtoridad, na kasabwat umano sa illegal drug trade.
Dahil sa paglalabas ng warrant of arrest ng korte at hindi pa nahuhuli si Lim, maituturing na pugante na ito.
- Latest