Trader naburyong, nag-amok : 1 patay, 2 kritikal
MANILA, Philippines – Isa ang patay, dalawa ang malubhang nasugatan makaraang mag-amok ang isang negosyante na sinasabing naburyong at walang habas na namaril sa loob ng kanyang tahanan sa Marikina City, kahapon ng umaga.
Ang biktima na dead on the spot sa pinangyarihan ng insidente ay kinilalang si Jayson Santos, habang kritikal namang ginagamot sa Amang Rodriguez Memorial Hospital ang mag-amang sina Roland Salvador, 45 at Crenz Harold Salvador na tinamaan ng bala sa dibdib at katawan.
Agad naman nadakip ng mga awtoridad ang suspek na si Jaime Palabay, 70, negosyante, dating range officer at dati ring OFW.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-10:00 ng umaga sa Bel-Air St., Jaybee Subd. Brgy. Nangka, Marikina City.
Lumalabas sa imbestigasyon na bigla na lamang nagsisigaw ang suspek sa loob ng kanyang tahanan at armado ng kalibre .45 baril
Habang hawak-hawak ang baril ay naghahamon umano ito ng away at isinisigaw nitong “Gusto ko ng mamatay, barilin ninyo na ako” hanggang sa sunud-sunod na pagbabarilin ang mga biktima.
Nabatid na ang mga biktima ay border ng suspek sa kanyang tahanan kayat iisa lamang ang kanilang tinitirhan.
Sinabi naman ni Senior Supt. Lorenzo Holanday, hepe ng Marikina police, lumilitaw na matinding depresyon ang dahilan kaya nagawa ng suspek ang pamamaril.
Sinasabing depress ang suspek dahil sa pagkama-tay ng misis nito noong nakaraang taon na isa sa mga itinuturong dahilan ng pag-aamok nito.
Nakuha mula sa suspek ang isang kalibre 45 baril na kanyang ginamit sa kanyang walang habas na pamamaril.
Patuloy pang iniimbestigahan ngayon ng mga tauhan ng Marikina police ang naganap na insidente para mabatid ang tunay na motibo ng krimen.
- Latest