PNP-HPG, ipu-pullout na sa EDSA
MANILA, Philippines – Simula sa darating na Lunes sa susunod na linggo, tatanggalin na sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) ang daan-daang tauhan ng PNP-Highway Patrol Group na nangangasiwa sa daloy ng trapiko dito.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Director P/Chief Supt. Antonio Gardiola.
Kasabay nito, nilinaw ni Gardiola na hindi ‘total pullout’ ng kanilang mga traffic enforcers ang kanilang gagawin kundi mag-iiwan pa rin sila ng mga supervisors at ilan pang tauhan mula sa mga ito na tutulong sa mga elemento ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at iba pang ahensya sa ilalim ng Inter-Agency Council on Traffic (IACT ).
Ang PNP-HPG traffic enforcers ay ideneploy sa EDSA noong Setyembre 2015 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino upang resolbahin ang malalang problema sa trapiko sa 200 milyang highway na isa sa matinding suliranin ng pamahalaan.
Nasa 300 HPG personnels na galing pa sa mga probinsya ang nagsilbing ‘augmentation forces’ sa pagmamando ng trapiko sa EDSA .
Ayon kay Gardiola, aasikasuhin naman nila ang iba pang lugar sa Metro Manila na dumaranas ng matinding suliranin sa buhol-buhol na trapiko.
“Kumpirmado po yun (pagtatanggal ng HPG traffic enforcers), pero hindi naman po total pullout, aalisin natin kasi aasikasuhin rin ang iba pang sector sa Metro Manila para ma-train natin ang iba pang inter-agency”, ani Gardiola.
Matapos namang ibalik sa MMDA ang pagmamantina ng daloy ng trapiko sa EDSA, nagtalaga pa ng 200 karagdagang traffic enforcers dito ang ahensiya.
Ayon kay MMDA officer-in-charge Tim Orbos, ang karagdagang bilang ng mga traffic enforcer ay itinalaga sa EDSA. Ito ay upang punuan ang kakulangan ng bilang ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG), na inilipat sa ilan pang lugar ng Metro Manila, tulad ng C5 Road, Commonwealth Avenue at Ninoy Aquino International Airport Expressway (NAIAEx).
“Now that we are in-charge again, have a more active role on Edsa, I have told my men to show that we are worthy of such action”, ani Orbos.
- Latest