Kawani ng Ecopark nalunod sa pool
MANILA, Philippines – Nabahiran ng lungkot ang dapat sana’y masayang get together party ng mga kawani ng La Mesa Eco Park makaraang isang 54 anyos na lalaking kasamahan nila ang umano’y malunod sa swimming pool dito, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Ayon kay PO2 Virgilio Mendoza, imbestigador, ang biktima ay nakilalang si Alfredo Tapia, 54, maintenance officer ng Eco Park, may-asawa ng Sitio Ruby, Brgy. Greater Lagro sa lungsod.
Sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente sa may swimming pool ng La Mesa Eco Park na matatagpuan sa Brgy. Lagro, QC ganap na alas 8:30 ng gabi.
Base sa imbestigasyon ni PO2 Mendoza, bago ang insidente ang biktima at kanyang mga kasamahan ay masayang nagdiriwang ng get together party sa naturang lugar.
Sabi ng security guard na si Allan Ibay, nagbabantay siya sa kanyang puwesto nang ma-monitor niya sa dalang handheld radio na may isang kawani ng parke na nalunod sa swimming pool.
Ilang sandali nakita umano niya ang kanilang medical team sa pamumuno ni Anna Marie Macapal na itinatakbo ang biktima sakay ng kanilang emegency shuttle sa Fairview General Hospital subalit idineklara rin siyang dead-on-arrival dakong alas-9:25 ng gabi ni Dr. Krystal Carol Ancheta, ang attending physician.
- Latest