Preemptive evacuation nagsimula na
MANILA, Philippines — Sinimulan na ng mga Local Government Units (LGUs) ang preemptive evacuation sa mga lugar na inaasahang matinding hahagupitin ni super typhoon Betty partikular na sa Batanes, Cagayan at iba pang bahagi ng Northern Luzon.
Ito’y matapos irekomenda na ng PAGASA na ilikas na ang mga residente na naninirahan sa mga flashflood at landslide prone areas.
Sa kasalukuyan ay nakataas na ang Signal Number 1 sa Cagayan, Batanes, Isabela at iba pang mga lugar. Kabilang dito ang Santa Ana, Gonzaga, Lal-Lo, Gattaran, Baggao, Peñablanca, Santa Teresita, Buguey gayundin ang Babuyan at Camiguin Islands sa Cagayan; at ang Maconacon, Divilacan, Dinapigue, Palanan, San Mariano, Ilagan City, Tumauini, San Pablo at Cabagan naman sa Isabela.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Joint Information Center Chief Diego Agustin Mariano, ipinauubaya na nila sa mga LGUs ang paglilikas sa mga residente sa mga lugar na tatahakin ng super typhoon.
Inaasahan namang magdadala ng peligro sa malalakas na pag-ulan ang super bagyo mula Lunes hanggang Miyerkules.
Inihayag ni Mariano na nakikipag-koordinasyon na sila sa PNP, AFP, Bureau of Fire Protection at Philippine Coast Guard na maagang inalerto sa peligro ng malakas na bagyo.
- Latest