^

Bansa

Marcos Jr. 'walang balak' ibalik ang ICC membership ng Pilipinas

James Relativo - Philstar.com

MANILA, Philippines — Walang plano ang bagong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sumapi uli ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) — bagay na planong mag-imbestiga sa "crimes against humanity" at paglabag sa karapatang pantao ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Miyerkules lang nang maiulat na pinulong ni Marcos Jr. ang ilang abogado para pag-usapan kung paano haharapin ang planong imbestigasyon ng ICC sa madugong gera kontra-droga ni Digong, ngunit ngayon lang naglalabas ng detalye sa kung ano ang natalakay.

"No. The Philippines has no intention on rejoining the ICC," wika ni Bongbong, Lunes, sa state media habang bumibisita sa isang COVID-19 vaccination site sa Pasig City Sports Center.

"The meeting that we had [was attended by] the [Solicitor General Menardo Guevarra], the Secretary of the Department of Justice [Jesus Crispin Remulla], kasama na rin diyan si [former] Sen. [Juan Ponce] Enrile who has become my legal adviser, amongst others. Also si Attorney Harry Roque, because he is involved and recognized by the ICC."

"Ang mineeting namin ay dahil sinasabi ngayon na itutuloy ang imbestigasyon. Eh ang sinasabi naman namin, may imbestigasyon naman dito [sa Pilipinas]. At patuloy din naman ang imbestigasyon. Bakit magkakaroon ng ganoon?"

Sa opisyal na taya ng Philippine Drug Enforcement Agency, sinasabing 6,252 na ang namamatay sa mga drug operations simula nang ikasa ni Duterte ang kanyang madugong kampanya noong 2016.

Una nang sinabi ng human rights groups at preliminary investigation ni dating ICC Prosecutor Fatou Bensouda na maaaring mas mataas pa sa bilang na 12,000 hanggang 30,000 ang totoong drug-related EJKs, habang hindi raw nabibigyan ng due process ang mga suspek. Lagpas na 'yan sa maximum seating capacity ng Smart Araneta Coliseum (20,000)

Aniya, tinatalakay nila ang isyu sa ICC para malaman kung paano sasagot dito, kung iiitsapwera ito, atbp. lalo na't epektibong nilisan ng Pilipinas ang naturang international court noong Marso 2019.

Sa kabila nito, sinasabi ng ilang legal experts at human rights advocates na meron pa ring jurisdiction ang korteng litisin ang mga nangyaring paglabag habang miyembro pa ang Pilipinas. Tanging mga extrajudicial killings lang mula 2011 hanggang 2019 ang iimbestigahan, lalo na't kumalas ang Pilipinas sa Rome Statue noong 2018.

"Pero the ICC is a very different kind of a court kaya't pinag-aralan muna... 'yung procedure para tama 'yung gagawin natin," dagdag pa ni Marcos Jr. kanina.

"Baka ma-misinterpret 'yung ating mga ginagawa. Paliliwanagin natin kung ano ba talaga ang dapat gawin, sino ang susulat kanino, ano ang ilalagay sa sulat, etc."

Kilalang runnning mate at ikalawang pangulo ni Marcos Jr. si Vice President Sara Duterte, na siyang anak ni Digong.

Matatandaang hinimok ng grupo ng mga abogado sa ilalim ng Mga Manananggol Laban sa Extrajudicial Killings (Manlaban sa EJK) si Marcos Jr. para makipagtulungan sa mga imbestigasyon.

Sang-ayon sa ICC investigation sa "EJKs ni Duterte" kahit na ang miyembro ng Gabinete ni Bongbong na si National Security Adviser Clarita Carlos.

vuukle comment

BONGBONG MARCOS

EXTRAJUDICIAL KILLINGS

HUMAN RIGHTS

INTERNATIONAL CRIMINAL COURT

RODRIGO DUTERTE

WAR ON DRUGS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with