Sementeryo sa Metro Manila, 1 linggong isasara sa Undas
Metro mayors nagkasundo
MANILA, Philippines — Isasara sa loob ng isang linggo ang lahat ng sementeryo, pampubliko man o pribado sa buong Metro Manila sa nalalapit na Undas at magkakaroon ng uniform policy na ipatutupad sa layuning maiwasan ang pagkalat pa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang napagkasunduan sa naganap na pagpupulong ng Metro Manila Council nitong Linggo, ayon kay MMC chairman Parañaque Mayor Edwin Olivarez.
“Ang pinagpulungan kahapon ay magkaroon ng uniform na policy sa darating na Undas. Isasara ‘yung ating mga cemetery, public and private, mula po ng October 29 hanggang November 4,” ayon kay Olivarez.
Sa naging pulong, hindi umano kasali sa ilalatag na uniform policy ang paglilibing at cremation.
Ani Olivarez, papayagan pa rin naman ang paglilibing at cremation kahit may temporary closure ang mga sementeryo at columbariums sa Metro Manila.
Sa nakarating sa kan yang impormasyon, ang ilang crematory sa National Capital Region (NCR) ang nagsasagawa ng 7 hanggang 10 cremation services kada araw, simula nang umatake ang virus noong Marso.
“We encourage them to visit the cemetery on a spread time. One month before or one month after Undas for us to still implement our physical distancing,” paghihimok ni Olivarez.
Samantala, inihayag na rin ni Metro Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia sa naging pulong na ang isang linggong pagsasara ng lahat ng sementeryo ang hihilingin nila sa Inter-Agency Task Force (IATF) .
Pinayuhan naman ni Garcia ang mga nagtitinda ng bulaklak at kandila na maaari parin naman silang kumita sa pagtitinda ngayong marami na rin ang nagtutungo sa mga sementeryo basta huwag lang magiging sagabal sa mga daanan at susunod sa pinaiiral na batas.
Kung tutuusin, aniya, ay mas mahabang mga araw maaaring magtinda dahil hindi katulad ng tradisyunal na panahon ng Undas na nasa tatlong araw lamang simula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 1.
- Latest