Sa Pliling ng kalapati (64)
“PALAGAY ko hindi ako ang hinahanap ng Japanese na sinasabi ni Danilo,” sabi ni Mommy Donna kay Ruth.
“Umaasa ka rin pala, Mommy, akala ko hindi na.’’
Napahinga si Mommy Donna.
Nang magsalita ay may lungkot sa boses.
“Umaasa pa nga rin ako, Ruth pero hindi sa pagkakabalikan namin ang hangad ko kundi sa anak naming si Keiko. Gusto kong malaman kay Toshi ang nangyari sa anak ko. Malakas kasi ang kutob ko na buhay ang anak ko at tinatago lamang ng mga biyenan ko. Di ba sabi ko sa’yo, napapanaginipan ko siya. Kaya hindi mawala sa isip ko na itinatago lang nila si Keiko. Kaya umaasa ako na baka nga si Toshi ang naghahanap sa akin. Baka gusto nang sabihin sa akin na buhay si Keiko.’’
Hindi makapagsalita si Ruth. Nauunawaan niya ang nararamdaman ng ina-inahan. Nadarama rin niya ang matindi nitong kasabikan kay Keiko.
“Alam mo Ruth, kung sakali at buhay si Keiko, kahit lumuhod ako sa paanan ni Toshi para makita ko lamang ang anak ko. Gusto ko siyang makita kahit sandali lang.’’
“Sana nga ay buhay siya Mommy.’’
“Siguro’y mga kasing-edad mo siya, Ruth.’’
“Sabi mo dalawang taon ang tanda sa akin, twenty na ako, Mommy.’’
“Ah oo, mga 22 na si Keiko.’’
“Ang ganda siguro niya ano. Maganda raw kumbinasyon ang Pinoy at Japanese.’’
“Tama ka! Super ganda ni Keiko.’’
Maiiyak na naman si Mommy Donna.
DUMATING ang graduation ni Ruth. Excited si Mommy. Maagang gumising at nag-ayos ng sarili. Nagbihis na agad.
“Aba bilisan mo Ruth, baka tayo ma-late sa graduation mo.’’
“Parang ikaw ang ga-graduate, ha-ha-ha!’’
(Itutuloy)
- Latest