Patay sa COVID-19 sa bansa pumalo sa 19,262; kaso nasa 1,149,925 na
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 5,979 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19), Lunes, kung kaya nasa 1,149,925 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 1,149,925
- Nagpapagaling pa: 54,235, o 4.7% ng total infections
- Kagagaling lang: 6,602, dahilan para maging 1,076,428 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 72, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 19,262
Anong bago ngayong araw?
-
Isinama na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa A1.5 priority pagdating sa pagbabakuna laban sa COVID-19 ang mga mayor at gobernador, ayon kay presidential spokesperson Harry Roque. Dahil diyan, mas mataas na sila sa priority listing kaysa sa mga senior citizen (A2), kahit na delikado ang mga nakatatanda sa malulubhang sakit kaugnay ng COVID-19.
-
Bilang pagtugon sa local COVID-19 cases na pinakamatatagpuan sa Metro Manila, ibinahagi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na aabot sa 69% ng mga inisyal na doses ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccines ang inilagak sa National Capital Region.
-
Samantala, hindi muna tatanggap ng mga bagong pasyente at surgeries ang Philippine General Hospital (PGH) ngayong araw kaugnay ng sunog na tumama sa ikatlong palapag nito. PGH pa naman ang itinuturing na pinakamalaking COVID-19 referral center sa Pilipinas.
-
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Roque na hindi gaano makakaapekto ang nasabing sunod sa COVID-19 healthcare capacity ng Metro Manila.
"Hindi naman po masyado, dahil naman nakikita niyo po, hindi pa nga po tayo nasa moderate risk ano. Because ang last figure po natin ay, in Metro Manila, we have 57% utilization of [intensive care unit] beds and 42% utilization of isolation beds lang," sabi niya kanina. -
Kaugnay niyan, tinawag ni Vergeire na nasa "safe zone" pa ang NCR pagdating sa hospital utilization sa punong rehiyon.
-
Umabot na sa halos 162.2 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang mahigit-kumulang 3.4 milyong katao.
— James Relativo
- Latest