Ang Puso ng Ina’
Araw ng mga Puso nakalipas na
Ngunit nais ko lang bigyang pag-alala
Ang isang tulang mula elementarya,
‘Di na humiwalay sa aking memorya!
Natitiyak ko lang na sa bawat linya,
Ginamit na silabo’y labindalawa!
Sa sumulat nito kung sino man siya,
Sumaksak sa utak ko ang iyong pluma!
Maaring ibang salita’y naiba na
Sapagkat tulad mga dahon kumbaga —
Nalaglag, nagpalit, hangin dinadala
Subalit sa takbo ako ay tiyak pa!
Ang sabi ng mutya sa binatang sinta,
‘Kung mahal mo ako’t tapat kang talaga,
Bukas na bukas din dito’y magbalik ka
Na taglay ang puso ng mahal mong ina!’
Dugtong ng diwata bilang paliwanag
Sa tila malabo niyang pangungusap,
‘Siya’y patayin mo at ang pusong hawak
Ay dalhin sa akin pagdatal ng bukas!’
At itong binatang baliw sa pagsuyo,
Sa hangad ng mutya’y aliping sumuko!
Pinatay ang ina’t kinuha ang puso
Na may sariwa pang dugong tumutulo!
Itong binatang patungo na mutya,
Sa pagmamadali’y natisod, narapa!
Sa batong nag-usli nahampas ang mukha
At ang pusong hawak nabitiwang bigla!
Ang puso ng inang may dugong nunukal,
Gumulong sa tabi ng anak na mahal
At saka nagwikang lipos pagdaramdam,
‘Anak ko o anak ikaw ba’y nasaktan?’
At narito pa ang tunay na dahilan
Kung bakit tulang ito inilarawan —
Ang MAHAL KONG INA ang hinahandugan,
Nang nakaraang Linggo sya’y namaalam!
Tulad tulang itong ‘di na nalimutan,
Ganon ka rin MAMA sa aking isipan,
Salamat sa bigay mong UNANG TAHANAN…
Thank you MAMA sa iyong sinapupunan!
- Latest
- Trending