^

‘Jorge, Joseph & Joey’

ME, STARZAN - Joey de Leon (The Philippine Star) - January 25, 2015 - 12:00am

Nag-adios na ang mahal ng marami na Pope,

May mga masasaya at may nalulungkot,

May mga natauha’t may nagkaron ng hope,

At Ang Poet N’yo nanganak din ang mga jokes!

 

What do you call the flowers given to Pope Francis?

Naturalmente ang tawag du’y PAPAL ROSES!

The Pope’s ride next time? TRICYCLE naman daw request!

At tatawaging POPECYCLE! Cool like sorbetes!

 

At ngayong sa Vatican nakabalik na s’ya,

Back to Vatican car s’ya… in short, VATMOBILE na!

At kung in flight s’ya yung plane Shepherd One pala,

Pero dito FLYING KIKO tinawag nila!

 

Ngayong nakaalis na ang Papa sa Roma,

O, kayo ay ano na? B-L-S-D na ba?

Ops, hindi “blessed” ang ibig sabihin n’yan ha,

B-L-S-D… Balik Lang Sa Dati kumbaga!

 

O ano, may AWA’T MALASAKIT ka na ba?

Hoy, hindi sa sarili mo kundi sa kapwa!

O, umeepal ka lang katulad ng iba?

Ano, wala rin ba at bagsak din ay… nganga!?

 

Marami kasi sa’tin hilig lang talaga

Ay makipagsiksikan, pista at parada,

 O, itinuring mo lang bang Film Festival s’ya?

Sa tingin n’yo ba marami na magsisimba?

 

Pakatandaang ang tunay na mahalaga

Ay ang mga mensaheng kanyang dala-dala,

Kung hindi mo rin lang isasabuhay aba,

Sayang naman kagustuhan mo s’yang makita.

 

At ngayong natapos na kanyang pagbisita,

May isang pagsasakali lang akong dala —

Kung Pacquiao-Mayweather ba’y nasabay sa kanya,

Sa palagay mo ba ay saan ka pupunta?

 

Ang sabi ng Papa mamuhay ka ng payak

At simple lamang at sumentro sa mahirap,

O ano, sa pagsunod ba’y nakatitiyak

O tuloy lang pansariling pagpapasarap?

 

Sa pagbisitang ito ng mahal na Papa,

Napatunayan namang marami talaga

Mga nagmamahal sa kanya’t may isa pa —

Na marami rin ang may cellphones na pangkuha!

 

Pagpunta ni Pope Francis ay hitik na hitik

Sa mga panalangi’t pagtutok sa langit,

Dasal rin ng iba s’ya agad ay bumalik

Sapagkat pag s’yay narito ay WALANG TRAPIK!

 

Mga TV Stations waring nagkakaisa,

Magkakasundong pulos ang Pope ipakita,

Kahit may biruang “naiinggit” ‘yung iba

Doon sa mga medyo nadikit sa Papa!

 

Mga mamamahayag lahat ay masaya,

Ang kaligayahan labas sa tinig nila,

Lipos ng buhay, mga bata muli sila,

Tila may pasalubong si Tatay na dala!

 

Sabay mag-“Viva!” kahit magkakompetensya,

Mga bihis na bihis, todo mga porma,

Subalit abangan ngayong natapos na,

“Mas HIGH ratings namin!” sasabihin nung isa!

 

Sa mga pinuntahan ng Banal na Papa,

Wala akong napuntahan na kahit isa,

Sa telebisyon lang ko siya nakikita

Subalit AKO NA ANG PINAKAMASAYA!

 

‘Di na kailangang malapit pa sa kanya,

Sapat na ang narinig ko na kwento niya,

Nang mabanggit ba n’ya sa kanyang liturhiya

Ang tungkol kay Saint Joseph… PANALO TALAGA!

 

Ang Poet N’yo at ang Papa sa Roma

Ay mga tagahanga ni San Jose pala!

Kwento tungkol sa “natutulog na estatwa”

Ni Hoseng Ama lubos kong kinaligaya!

 

Sa inyong kaalaman halos 30 years na

Nang pagsa-“SAN JOSELFIE” ako’y mag-umpisa!

Kahit saang bansa basta ako’y nagsimba,

Kodakan agad pag may tukayong estatwa!

 

‘Yung tungkol kay San Jose na NAGPAPAHINGA

Ako ma’y dun ko S’ya higit na nakilala,

Kaya nung pwesto’t kwento mabanggit ng Papa,

Gulat ng mga gulat, nanlaki ang mata!

 

Nabanggit ko na rito kung ano istorya,

Kung bakit kami ni Pope parehong dalawa,

‘Yung kanyang dahilan ay ewan ko sa kanya,

Me? Basta, SAINT JOSEPH KASI NAKAUSAP NA!

ANG POET N B-L-S-D BALIK LANG SA DATI FILM FESTIVAL LANG POPE FRANCIS SAN JOSE
  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with