Mister na sadista babalikan pa ba?

Dear Dr. Love,

Hindi ako pinalad magkaroon ng happy married life. Mahal na mahal ko ang asawa ko pero dahil sa kanyang pagiging sadista, nagpasya akong hiwalayan na siya kasama ang aking nag-iisang anak na sampung taong gulang.

Tawagin mo na lang akong Raquel, 32 anyos. Si Juancho ay una kong pag-ibig kaya mahal na mahal ko. Kaso, masakit ang ginagawa niyang panggugulpi sa akin tuwing uuwi siyang lasing. Akala ko puwede akong magtiis.

Nahikayat lang siya ng mga kasamahan sa trabaho sa paginom ng alak at ito ay naging bisyo na niya. Naging brutal siya at walang araw na hindi ako sinasaktan kahit walang dahilan. Kinaumagahan, humihingi siya ng sorry at pinatatawad ko naman.

Pero dumating ang kasukdulan nang bugbugin niya ako at nawalan ng malay. Humingi siya ng tawad sa akin at umiiyak pero iniwan ko siya at bumalik ako sa aking mga magulang. Ngayon ay nananabik ako sa kanya at gusto ko siyang balikan. Tama ba na pakisamahan ko pa siya?

Raquel

Dear Raquel,

Okay ang makipag-ayos pero iyan ay kung magbabago na siya. Kaso, mukhang abnormalidad na sa kanyang isip ang ginagawa niyang pananakit sa iyo. Dapat muna ay iwasan na niya ang pag-inom ng alak na dahilan para siya’y magmistulang halimaw.

Ngunit kung talamak na siya sa bisyo, mahirap nang maalis iyan. Puwede sigurong ipa-rehab, ngunit hindi rin ito garantiya na mawawala ang kanyang bisyo. Nangangamba ako para sa iyo. Baka kung magkabalikan kayo ay mapatay ka niya kapag umatake sa kanya ang pagiging brutal.

Kahit mahal mo siya, makabubuting magpa-file na ka ng annulment at tuluyan na siyang iwanan dahil sa panganib na puwede niyang idulot sa buhay mo. Pero nasa sa iyo kung ibig mo siyang bigyang ng isa pang pagkakataon basta magbabago siya.

Ngunit bago iyan, dapat ay ipa-rehab mo muna siya hanggang mawala na ang kanyang masamang bisyo.

Dr. Love

Show comments