Nagbago na ako

Dear Dr. Love,

Nagkaroon ako ng bad reputation sa aming community dahil nung teenager ako ay kinatatakutan ako ng ibang kabataan sa aking pagiging siga-siga. Isang bagay itong pinagdurusahan ko ngayon kahit ako ay ganap nang nagbago.

26 anyos na ako ngayon at binata pa. Ang dahilan ay ang aking pangit na nakaraan. Noong araw, lagi akong napapaaway. Naging palikero rin ako na paiba-iba ng girlfriend.

Ngunit iyan ay isa nang tiklop na kabanata ng aking buhay. Nakatapos na rin ako ng kursong business management pero wala pa akong kasintahan dahil naipangako ko sa sarili na liligawan ko lang ang babaeng mahal ko at pakakasalan ko.  Madali naman marahil akong magka-girlfriend kung manliligaw ako ng kahit sino. Ngunit gusto ko nang humanap ng aking pakakasalan.

May nililigawan ako sa aming lugar. Niligawan ko siya dahil alam ko na siya ang babaeng gusto kong mapangasawa. Ngunit may kasintahan na pala siya at sinabi sa akin na kahit wala pa siyang boyfriend ay hindi niya ako mahal.

Pursigido akong manligaw sa kanya. Paano ko siya makukumbinsing nagbago na ako?

Reuben

Dear Reuben,

May mga katotohanan na masakit man ay dapat nating tanggapin. Sayang at umibig ka sa isang babaeng committed na sa kanyang kasintahan.  Walang masama kung magpupursige ka sa panliligaw dahil hindi pa naman siya kasal at malaya pa.

Ngunit may hangganan ang panliligaw. Kung talagang tinapat ka na niya na wala ka nang maaasahan, kahit masaktan ka ay dapat mo itong tanggapin. Ganyan talaga sa buhay ng tao. Hindi mo puwedeng makamit ang bawat gustuhin mo.

Kaya kung sadyang wala siyang kursunada sa iyo, limutin mo na siya at humanap ng ibang mamahalin at magmamahal din sa iyo.

Dr. Love

Show comments