Pambihirang katapatan

Dear Dr. Love

Pambihirang babae si Jenny na girlfriend ko. Mag-iisang taon na ang aming relasyon at mahal na mahal ko siya sa kanyang pagiging simple at mahiyain. Dalagang Pilipina ang da-ting niya kahit sa pagbibihis at kilos.

Pero nagulat ako nang may ipagtapat siya sa akin, isang araw. Sabi niya, mahal na mahal niya ako at ayaw niya akong masaktan sa ipagtatapat niya pero kailangan daw niya itong gawin.

Sabi niya, hinahangaan niya ako dahil sa tinagal-tagal ng aming relasyon, hindi ako nagtangkang yayain siyang mag-motel para makuha ko ang kanyang pagkababae. Dahil dito’y tumaas aniya ang respeto niya sa akin.

Magiging unfair daw siya sa aking kung hindi niya ipagtatapat na may karanasan na siya sa kanyang unang boyfriend. Ngunit pinuwersa lang daw siya nito kaya naibigay niya ang kanyang pagkababae.  Nagkaroon pa siya ng isang boyfriend pero agad siyang kinalasan nang ipagtapat niya ang kanyang nakaraan.

Nagdadalawang-loob ako ngayon kung ipagpapatuloy ko ang relasyon ko sa kanya dahil ang isang katangiang hanap ko sa babae ay virgin. Perfect na sana siya pero bagsak siya sa pamantayan ko.

Pero sa kabila nito, ramdam kong mahal ko siya. Ano ang advice mo sa akin?

Mau

Dear Mau,

Sa paglalarawan mo sa iyong girlfriend, isa siyang babaeng uliran na bihira nang matagpuan ngayon. Nagkaroon man siya ng karanasan, ito ay dahil sa pamimilit na labag naman sa kanyang kalooban.

Sabi mo, ramdam mong mahal mo siya. Kung totoong mahal mo siya, hindi mo aalalahanin ang kanyang nakaraan o ano mang kapintasan.

Kung ako ikaw, hindi ko siya iiwanan.  Kahangahanga siya dahil  kahit ang kanyang madilim na kahapon ay nakayanan niyang ibunyag sa iyo dahil sa laki ng pagmamahal niya sa iyo.

Kaya inuulit ko, napakapalad mong maging girlfriend si Jenny.

Dr. Love

Show comments