Maporma pero torpe pala

Dear Dr. Love,

Tawagin na lamang ninyo akong Tito.  Hilig ko lang talaga ang pumorma. Sinunod ko lang naman ‘yung payo sa fb kung paano magiging lapitin ng mga chicks.

Medyo umuubra naman noong una. Dahil marami ang nakapansin sa pagbabago ko ng lifestyle.

Nagpapabango na ako tuwing umaga pagkaligo at kung saan man ako mapadpad kasama ng paborito kong pabango.

Naging malinis ako sa sarili, lahat pati kuko ko naka-manicure at pedicure. Ang buhok ko ay pinag-iisipan ko  lagi kung ano ang bagay na style. Ang matindi lagi na akong gentleman sa mga babae.

May mga nagiging kaibigan akong babae, pero hindi ko naman kayang ligawan. Lumalapit na nga sila pero ako naman ang biglang  natatakot sa kanila. Hindi ko alam kung binibiro lang nila ako o sadyang nababaitan sila sa akin.

Baka po may maitulong pa kayong payo. Nabago ko nga ang porma ko, mahina pa rin ang loob kong manligaw. Baka ma-basted lang din naman kasi ako.

Tito

Dear Tito,

‘Yan naman ang i-work out mo, ang maging malakas ang loob. Siyempre kapag may angas na ang dating mo dapat may self-confidence ka rin. Huwag mo munang isiping liligawan mo ang mga nakaka-close mo.

Pwede mo naman silang kaibiganin muna para mahulog lalo ang loob nila sa iyo at magkaroon sila ng tiwala sa iyo.

Kapag ang babae ay humahanga sa husay ng pakikisama mo, naku dagdag points ‘yan sa porma mo.

Kaya ituloy mo lang ang pag-improve ng lifestyle mo at lagi kang maging cool sa iba.

DR. LOVE

Show comments