Bagayan ng magbiyenan

Dear Dr. Love,

Tawagin na lamang ninyo akong Emer. Hindi sana kami magkakahiwalay ng misis ko kung hindi niya inaway ang nanay ko. Hindi ako naniniwala sa mga kapitbahay namin sa mga naririnig ko na pagsabihan ko raw ang asawa ko dahil kung mura murahin niya ang nanay ko ay ganon na lang. Kinausap ko ang asawa ko at maging ang aking ina at nakiusap na huwag na lang patulan ang asawa ko.

Pareho kasi silang matapang. Hindi ko alam minsan kung sino ang kakampihan ko. Madalas umiiyak ang misis ko dahil inaaway raw siya ni nanay. Kapag kausap ko naman ang nanay ko, siya naman ang nagrereklamo dahil sa ginagawa ng misis ko sa kanya.

Hindi ko naman sila mapaglayo. Malaking tulong kasi ang nanay ko sa pag-aalaga ng aming mga anak. Habang nagdi-deliver ng product ang misis ko para sa mga order ng online business niya.

Hanggang naabutan kong nagmumurahan sila. Dinig na dinig ng kapitbahay kung paano laitin ng misis ko ang nanay ko. Sa oras na iyon, wala akong nagawa dahil naging malakas ang dugo kaysa tubig.

Nasigawan ko ang misis ko at sinabihan ko siyang bumalik muna sa magulang niya. Dinamdam ito ng misis ko. Dinala niya ang anak namin sa bahay nila sa San Jose Del Monte.

Dalawa na lang kami ng nanay ko ngayon. Hindi ko alam kung bakit kailangan pang mangyari ang mga bagay na ito, pwede sanang nagkakasundo sila dahil pareho ko silang mahal. At hindi ako mama’s boy tulad ng pinaparatang ng misis ko sa’kin. 

Emer

Dear Emer,

Kung hindi talaga magkasundo ang nanay at misis mo ay mas mainam na magkahiwalay sila.

Depende na sa iyo kung paano ang magi-ging kasunduan ninyo ng misis mo.

Sa mga mag-asawa at mag-aasawa pa lang, hindi lang ang partner mo ang dapat mong mahalin at pakisamahan ng mabuti.

Kasama rin ang mga mahal niya sa buhay lalo na ang kanyang magulang.

Kung pinapahalagahan mo ang sumpa mong iibigin mo ang iyong asawa, nararapat din na maging maayos ang pakikisama mo sa kanyang mga kamag-anak. 

DR. LOVE

Show comments