Ubos ang budget

Dear Dr. Love,

Tawagin na lamang inyo akong Tess. Sinabihan ko na ang mister ko na huwag gastusin nang gastusin ang nakuha niyang bonus at 13 month, pero bumili siya agad ng flat tv at cellphone. Naubos tuloy ang budget namin para ngayong January.

Masaya na nga ako dahil ang ibang utang namin ay nabayaran ko rin. Halos 20K ang naubos namin nitong Pasko at bagong taon, bukod pa rito ang pinamili ng mga pamasko at panghanda.

Nagagalit siya, bakit ko raw siya sinisisi. Mabuti at naisama ko sa gastos ang mga essential goods namin. May groceries at may isang kabang bigas na kami.

Ayaw ko naman pakialaman ang nakuhang pamasko ng mga bata. Medyo malaki na sila at may mga gusto rin naman silang bilhin.

Noong mga nagdaan taon, ganyan na ang nangyari sa amin. Ubos biyaya, tapos nakatunganga. Panay pa ang alis namin, pasyal at kain sa labas.

Bigla pang naghigpit uli, paano na ‘yan? Baka kapusin ang pagkain namin. Eh, tuwing Christmas season lang nadaragdagan ang sweldo ng mister ko.

Kapag pinasara pa ang mga mall eh, maaapek-tuhan ang trabaho ng mister ko. Nagbabawas kasi ng taong papasok.Kapag walang pasok, wala rin silang sweldo.

Tess

Dear Tess,

Ganyan nga tayong mga Pilipino, mahilig gumastos. Kahit nga wala pa ang sweldo nag-iisip na tayo ng mga mabibili. Kaya tuwang-tuwa ang mga investor ng ibang bansa sa atin, dahil sila ang kumikita.

Hindi lang para sa inyo, kasama na rin ang ibang pamilya… kailangan matuto tayong mag-budget ng pera. Hindi naman pinupulot ang pera.Mahirap kitain pero madaling gastusin.

Magsilbing aral na ito sa ating lahat. Mabuti pa ang mga langgam, marunong mag-ipon. Hindi natin kasi alam ang takbo ng panahon, kaya dapat maging masinop at maging maagap tayo bago pa dumating ang mga trahedya sa ating buhay.

DR. LOVE

Show comments