Takot hiwalayan ng bf

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Amor, 23 anyos at engage sa aking boyfriend for two years.

May hindi ako maipagtapat sa aking boyfriend dahil natatakot akong hiwalayan niya sa sandaling malaman niya ang kalagayan ko.

Hindi na kasi ako pwede magkaanak.

Noon kasing 18 anyos ako ay na-diagnose akong may tumor sa matris. Kinailangang operahan ako para maagapan ang tumor at hindi na mauwi sa cancer.

Matapos ang operasyon, sinabi ng doktor na ligtas na ako pero wala ng kakayahang mag-ovulate ang matris ko, sa madaling sabi, hindi na ako mabubuntis.

Bagaman ikinalungkot ko ang tungkol dito, gaya ng mga magulang ko ay nagpapasalamat na rin ako dahil wala na ang banta ng cancer, na maaaring magpadali sa buhay ko dito sa mundo.

Sa kalaunan ay humupa na sa kalooban ko ang tungkol dito. Pero nitong nakaraang mga araw ay madalas na nababanggit ng boyfriend ko ang hangad niya na magkaroon ng mala-king pamilya, para raw masaya.

Kaya naman niyang magtaguyod ng mala-king pamilya dahil mayaman siya.

Dahil sa mga sinasabi niya, Dr. Love lalo akong natatakot na magsabi ng tunay kong kalagayan. Gusto niyang makasal na kami sa mga susunod na buwan.

Ano po ang dapat kong gawin?

Amor

Dear Amor,

Pinakamabuti na ipagtapat mo sa kanya ang totoo.

Kung makakasal kayo at malaman niya ang iyong totoong kalagayan na hindi mo siya maaaring bigyan ng anak, pwede ka niyang hiwalayan sa pamamagitan ng annulment.Maaaring mahirap gawin ang magtapat pero iyan ang pinakamabuti mong gawin.

Kung tatanggapin ka niya sa kabila nito, eh ‘di para kang nabunutan ng tinik. Wala na siyang balidong dahilan para ipawalang bisa ang inyong kasal dahil nagtapat ka sa una pa lang.

Isa pa, magiging unfair ka sa kanya kung hindi ka magsasabi ng totoo dahil umaasa siya na mabibigyan mo siya ng malaking pamilya, ‘yun pala ay hindi naman.

Dalangin ko na matamo mo ang sapat na lakas ng loob para kausapin ang boyfriend mo tungkol sa kalagayan mo. Nang sa gayon ay malaman mo rin kung matatanggap niya ito o hindi.

Dr. Love

Show comments