Masakit na biro

Dear Dr. Love,

Mapayapa at masayang Bagong Taon sa iyo, Dr. Love. Tawagin mo na lang akong Arman, 20 anyos at binata pa. Wala akong pirmihang trabaho at nasasama lang sa mga projects sa pagtatayo ng bahay bilang construction worker.

Nililigawan ko si Nida, isang empleyada sa bangko. Patay na patay ako sa kanya at sa tuwing nakikita ko siya ay grabe ang tibok ng aking dibdib. Minsan, sinundan ko siya habang patungo sa sakayan.

Nang mahalata niyang nakabuntot ako sa kanya, tumigil siya at tiningnan ako ng masama.

Sapat na ‘yun para tumigil ako sa pagsunod. Mahirap diskartihan ng isang pobreng katulad ang isang disenteng working girl.

Wala akong pera para padalhan ko siya ng bulaklak. Tingin ko, langit at lupa ang agwat namin.

Pinayuhan ako ng kaibigan ko na sumulat ng love letter at siya ang mag-aabot nito kay Nida. Gumawa nga ako ng sulat na nagtatapat ng pag-ibig. Inakala ko na iaabot nga ng kaibigan ko ang liham, hindi pala.

Kinabukasan, inabot sa akin ng kaibigan ko ang sulat na mula sa aking nililigawan daw. Kinakabahan kong binasa ang sulat sa bahay. Laking tuwa ko nang mabasa ko na matagal na raw niya akong crush at bilib na bilib sa matipuno kong katawan.

Kaya malakas na ang loob ko na sundan siya. Pero nang mapansin ako, pinagsabihan ako ng masasakit na salita at sinabi niyang ipapupulis daw ako kapag hindi ako tumigil nang kasusunod sa kanya.

Ipinakita ko ang inaakala kong sulat na galing sa kanya pero sinabi niyang hindi galing sa kanya ito.

Galit na galit ako sa kaibigan ko sa masakit niyang biro at gusto ko siyang patayin.

Pagpayuhan mo po ako.

Arman

Dear Arman,

Masyado ngang below the belt ang biro ng kaibigan mo. Ngunit huwag kang gagawa ng karahasan na malamang na maghatid sa iyo sa kalaboso. Pagsabihan mo lang siya sa masakit niyang ginawa sa paraang mahinahon.

Tungkol sa pagkagusto mo sa isang babae, hindi dahilan na mayaman siya at ikaw ay mahirap. Pero kung ayaw niya sa iyo, huwag mo nang ipagpilitan ang iyong sarili.

Marami namang babae na puwede mong ligawan, kaya humanap kay na lang ng iba sa halip na ipagsiksikan mo ang sarili sa walang gusto sa iyo.

Dr. Love

Show comments