Namatay sa COVID-19 puwede nang ilibing – DOH
MANILA, Philippines — Maaari nang mailibing ang mga pasyenteng namatay dahil sa COVID-19 makaraan na hindi na makayanan ng mga crematorium ang pagdagsa ng mga labi na isinasailalim sa cremation.
Inihayag ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire matapos na bahagyang tumaas ang death toll sa mga pasyenteng tinamaan ng virus.
Una nang naglabas ang pamahalaan ng panuntunan na kailangang mai-cremate ang mga bangkay ng mga nasawing pasyente sa loob ng 12 oras.
Ngunit dahil sa pagdami ng mga nasasawi, nagkakaroon na ng mahabang pila sa mga crematorium na kaya lamang magsagawa ng hanggang walong cremation kada araw.
Bukod pa dito na nagkakaubusan na rin umano ng suplay ng urn na pinaglalagyan ng abo ng nasawi.
Ngunit para maipatupad ang paglilibing, nagbigay ng ilang kondisyon ang DOH.
Dapat ay ‘double-sealed’ ang bag habang ang ataul ay selyado rin.
“Kailangan kapag isinara na natin at na-seal na ang ating individuals, hindi na ‘yan puwedeng buksan kahit kailan,” ani Vergeire.
Kapag tuluyang nailibing na, iginiit ni Vergeire na hindi na ito maaaring hukayin pa kahit na ano pa ang dahilan.
- Latest