Abra at Batanes, magkasunod niyanig ng lindol
MANILA, Philippines — Magkasunod na niyanig ng lindol ang mga lalawigan ng Abra at Batanes nitong Linggo.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), unang naramdaman ang magnitude 4.7 na lindol sa Abra dakong alas-5:35 ng madaling araw.
Ayon sa Phivolcs, ang epicenter ng lindol ay naitala may 2 kilometro silangan ng Pilar, Abra, sa lalim na 1 kilometro. Tectonic umano ang origin ng lindol at may lalim na 5 km.
Naramdaman ang Intensity IV sa Bucay, Pilar, Villariciosa, Peñarubia, San Isidro, Bangued, Bucloc, at Boliney, Abra; gayundin sa Bantay, Ilocos Sur habang Intensity III sa Tayum, San Quintin, Tineg, at Dolores, Abra; at City of Vigan, Ilocos Sur, at Intensity II sa Sinait, Cabugao, Magsingal, at San Juan, Ilocos Sur.
Instrumental Intensity IV sa City of Vigan, Ilocos Sur; Instrumental Intensity III sa Bangued, Abra; at Narvacan, Ilocos Sur habang Instrumental Intensity II sa Candon, Ilocos Sur.
Anang Phivolcs, wala namang naiulat na pinsala o pagkasugat na dulot ng lindol.
Samantala, dakong alas-12:43 naman ng hapon nang yanigin ng magnitude 4.1 lindol ang Batanes.
Tectonic din ang pinagmulan ng lindol at may lalim na 20 kilometro.
Wala namang inaasahang anumang pinsala at aftershocks, ayon pa sa Phivolcs.
- Latest