UP-PGH Cancer Center ‘di isasapribado - NEDA
MANILA, Philippines — Tiniyak ng National Economic and Development Authority (NEDA) nitong Biyernes na hindi isasapribado ang University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) Cancer Center.
Ginawa ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan ang pagtiyak matapos aprubahan noong Pebrero 2, 2023 ng NEDA Board na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatayo ng P6-bilyong UP-PGH Cancer Center.
Ang nasabing proyekto ang unang public-private partnership (PPP) na proyekto ng administrasyon.
Ang UP-PGH cancer hospital ay magkakaroon ng kapasidad na 300 kama (150 charity bed para sa UP-PGH Area at 150 pribadong kama para sa Private Area), 15 hanggang 20 palapag, 350 parking space, 1,000 square meter ng commercial space, at isang lugar para sa tatlong linear accelerator bunker.
Ang cancer center ay matatagpuan sa UP-PGH campus sa Maynila, na may lot area na 3,000 square meters.
Naniniwala si Balisacan na hindi na mapipilitan ang mga doktor sa cancer center na mag-private practice sa labas dahil maaari silang magsilbi sa mga may kakayahang magbayad at sa mga low-income groups.
Tiniyak din ni Balisacan na magiging pantay ang serbisyo para sa mga mahihirap na pasyente at mga pasyenteng may kakayahang magbayad.
- Latest