COVID-19 pandemic ‘di pa tapos - WHO
MANILA, Philippines — Tila kumambiyo ang World Health Organization (WHO) at nilinaw na hindi pa tapos ang COVID-19 pandemic na nananatiling isang ‘global health emergency’ sa kabila ng pagdedeklara ng pinuno ng Estados Unidos na tapos na ito.
“I have said that the pandemic is not over, but the end is in sight. Both are true,” saad ni WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus. Iginiit niya na magkaiba ang nakikita pa lang ang katapusan kaysa sa nasa aktuwal na katapusan na.
Ito ay makaraang sumiklab ang mga debate nang ideklara ni US President Joe Biden na tapos na ang pandemya sa kanilang bansa.
Bagama’t nasa 10% na lamang ng ‘global peak’ ng mga namamatay noong Enero 2021 ang naitatala sa ngayon, nangangahulugan pa rin ito na nasa 10,000 tao ang namamatay kada linggo dahil sa sakit.
“And that’s 10,000 too many when these fatalities are preventable,” giit ni Tedros kasabay ng panawagan ng patuloy na pagsunod sa mga health protocols, mahigpit na pagpapatupad pa rin ng mga panuntunan ng mga bansa at pagpapalakas pa ng pagpapabakuna.
Naniniwala rin si Department of Health (DOH) officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa tapos ang pandemya dahil sa patuloy na mga namamatay na pasyente.
- Latest