6 na Customs officials ni-relieve habang Subic sugar 'smuggling' iniimbestigahan
MANILA, Philippines — Pansamantalang ililipat sa Office of the Commissioner ang anim na opisyal na Bureau of Customs (BOC) habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon patungkol sa diumano'y pagpupuslit ng asukal sa Port of Subic ngayong buwan.
Ika-18 lang ng Agosto nang mapigilan ng kawanihan ang pagpupuslit daw ng 140,000 metrong toneladang imported na asukal mula Thailand na siyang katumbas ng 7,021 metrong tonelada. Sinasabing gumamit ng "recycled import permit" para rito.
Ayon sa office order na pinetsahang ika-22 ng Agosto, sakop ng temporary transfer sina:
- Maritess Theodossis Martin (district collector)
- Maita Sering Acevedo (deputy collector for assessment)
- Giovanni Ferdinand Aguillon Leynes (deputy collector for operations)
- Belinda Fernando Lim (hepe ng assessment division)
- Vincent Mark Solamin Malasmas (Enforcement Security Service commander)
- Justice Roman Silvoza Geli (Customs Intelligence and Investigation Service supervisor)
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, may mapaparusahan sa BOC kung mapatunayan ng mga ebidensya na kasabwat ang sinumang port personnel sa mga smuggler.
Ang lahat ng ito nangyayari habang may krisis sa asukal sa bansa, na siyang mahal na ngayon sa P100 kada kilo. Una nang nagkaisa ang tatlong naglalakihang supermarkets sa bansa na magbenta ng P70 kada kilong asukal kaugnay ng nagmamahalang presyo.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na ang consignee ng "smuggled sugar" ay ang Oro-Agritrade Inc.
Ang Thai exporter ay inilista bilang Ruamkamlarp Export Co. Ltd habang ang local customs broker ay si Malou Leynes Buerano.
Matatandaang iniulat ng BOC-CIIS na ang cargo ay covered ng isang "special permit to discharge and verified single administrative document" mula sa BOC na may beripikadong clearance mula sa SRA sa pamamagitan ng isang Rondell Manjarres.
- Latest