Comelec registration binuksan na uli

File photo shows people camp out along the walkway surrounding the Ali Mall in Quezon City as they wait for the opening of Comelec's satellite voter registration booth on Sept. 27, 2021.
The STAR / Miguel de Guzman, file

MANILA, Philippines — Muling bubuksan ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpaparehistro sa mga bagong botante o mga nais buhayin ang kanilang napasong rehistro umpisa sa Hulyo 4 hanggang 23, ayon sa tagapagsalita nito na si Rex Laudiangco.

Ipinaliwanag ni Laudiangco na kulang isang buwan ang voter’s ­registration dahil sa ipinagbabawal ng Republic Act 8189 o Continuing Voter’s Registration Act ang pagpaparehistro may 120 bago ang susunod na halalan.

Nakatakda kasing isagawa ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Disyembre 5, 2022.

Ipinaliwanag pa ni Laudiangco na mayroon lamang ang Comelec na mula Hulyo 24 hanggang Agosto 6 para i-post o ilathala ang pangalan ng mga voter registration applicants, magtakda ng kalendaryo ng mga pagdinig ng Election Registration Boards (ERB), berepikasyon sa database, magsagawa muli ng ERB hearings, mag-draft at mag-apruba ng mga Project of Precincts, at maglikha ng mga cluster sa mga presinto.

Sa kabila nito, may mga panukala naman sa Kongreso na suspindihin muli ang BSKE upang makatipid umano ang pamahalaan sa pondo na maaaring magamit sa pagbangon ng ekonomiya.

Kung mangyayari ito, ito na ang magi­ging ikaapat na pagkakataon na sususpindihin ng Kongreso ang BSKE mula nang unang masuspinde ito noong Oktubre 2016.

Kung matutuloy, hindi na gagamit ng “vote counting machines” ang Comelec at magiging manual na ang halalan.

 

Show comments