Marcos, ikinokonsidera ang 5-taon termino ng brgy. execs

Photo shows Vice President-elect Sara Duterte greets Ferdinand Marcos Jr., her running-mate and now-president-elect, on the sidelines of her inauguration as the 15th vice president of the Philippines at San Pedro Square, Poblacion District in Davao City on June 19, 2022.
PCOO/Arman Baylon

MANILA, Philippines — Isa sa mga batas na nais isulong ng papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. ay ang pagpapalawig sa termino ng barangay officials sa limang taon.

Ginawa ni Executive Secretary-designate Vic D. Rodriguez ang pahayag matapos kilalanin ng nasa 142 barangay ng Quezon City ang kanyang mga nagawa bilang isang public servant.

Sa naturang event, tinanong si Rodriguez kung matutuloy ang barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda sa Disyembre.

“Pinag-aaralan nating mabuti ang plus at minus ng paggastos o panawagan para sa halalan at wala pang tiyak,” aniya.

Sinabi ni Rodriguez na bukas sila sa lahat ng mga opsyon na inihaharap sa kanila kabilang ang posibilidad na magpasa ng batas at gawing limang taon ang panunungkulan ng mga kapitan ng barangay pero lilimitahan pa rin sa tatlong termino.

Ipinaliwanag ni Rodriguez na para sa kanya, bilang dating kapitan ng barangay, ang pag-amyenda sa kasalukuyang termino sa limang taon na may limitasyon na tatlong termino ay mas makakabuti sa pamamahala ng barangay kaysa sa kasalukuyang ginagawa ng patuloy na pagpapalawig sa pamamagitan nang  pagpapaliban sa halalan sa barangay.

Noong 2019, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11462 na nagpapaliban sa Mayo 2020 Barangay at SK polls sa Disyembre 2022.

Ang huling Barangay at SK election ay ginanap noong Mayo 2018, na dalawang beses ding ipinagpaliban.

Ang mga botohan ay dapat na ginanap noong Oktubre 2016.

Sa panahon ng kampanya, ipinahayag ni Marcos ang kanyang intensyon na isama sa kanilang mga priority bill, ang mga hakbang sa pag-amyenda sa mga batas na namamahala sa barangay tulad ng kanyang panukala noong siya ay Senador na palawigin ang termino ng mga opisyal ng barangay mula tatlo sa limang taon.

Ang layunin ay mabigyan ang mga opisyal ng sapat na panahon upang tapusin ang kanilang mga proyekto sa kanilang mga lugar na nasasakupan.

Show comments