Marcos itinalaga si Bello sa MECO, Nograles mananatili sa CSC

Si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre “Bebot” Bello III na itinalaga bilang Kalihim ng DOLE ni Pangulong Duterte noong 2016 ay ilang dekada na sa serbisyo publiko at humawak ng iba’t ibang posisyon katulad ng acting Secretary of Justice at kalaunan ay naging Solicitor General noong 1998 sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Fidel Ramos.
Presidential Photo

MANILA, Philippines — Hinirang kahapon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang dalawang outgoing na opisyal ng administrasyong Duterte na kinabibilangan nina Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre “Bebot” Bello III bilang Chairman at Resident Representative-designate ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) at pinanatili sa posisyon si dating Cabinet Secretary Karlo Nograles bilang Chairman ng Civil Service Commission (CSC).

Si Bello na itinalaga bilang Kalihim ng DOLE ni Pangulong Duterte noong 2016 ay ilang dekada na sa serbisyo publiko at humawak ng iba’t ibang posisyon katulad ng acting Secretary of Justice at kalaunan ay naging Solicitor General noong 1998 sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Fidel Ramos.

Naging kalihim din ng Gabinete ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Bello mula 2004 hanggang 2010 at naging Party-list Representative mula 2013 hanggang 2016.

Samantala, muling hahawakan ni Nograles ang CSC bilang chairman matapos mabigong maisalang sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) nitong Hunyo dahil sa kakulangan ng quorum.

Si Nograles, isang abogado, ay naging 1st district Representative ng Davao City sa loob ng walong taon bago siya itinalaga ni Pangulong Duterte sa ilang puwesto sa Executive branch.

Bukod sa posisyon bilang dating Cabinet Secretary, si Nograles ay naging spokesperson din ng IATF-IED, naging dating Presidential spokesperson, at Chairman ng Inter-Agency Task Force on Zero Hunger.

Sina Bello at Nograles ay kabilang sa mga opis­yal na pinanatili mula sa administrasyong Duterte ni President-elect Marcos.

Show comments