^

Bansa

Tax incentives, deduction hirit ng mga senador para isulong WFH set-up

Philstar.com
Tax incentives, deduction hirit ng mga senador para isulong WFH set-up
Stock image of an employee working remotely.
Charles Deluvio via Unsplash / Stock

MANILA, Philippines — Itinutulak ngayon ni Sen. Sherwin Gatchalian ang tax incentives para sa mga empleyadong naka-work-from-home (WFH) set-up at tax deduction naman para sa mga employer upang mas maisulong ang flexible work arrangement. 

Ayon sa mga senador, mas mainam na paigtingin ang WFH at iba pang transaksiyon sa gobyerno at mga pribadong kumpanya upang makatipid sa gasolina’t pamasahe ang mga empleyado. Ito ay dahil pa rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa bansa.

"Ang aking opisina ay patuloy na nagpapatupad ng work-from-home arrangement upang makatipid sa gasolina, makaiwas sa masikip na trapiko, makatipid sa oras, at maiwasan ang hirap ng pag-commute araw-araw papasok sa trabaho," sabi ni Gatchalian, Miyerkules.

Ayon naman kay Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, kailangang magkaroon ng makabuluhang WFH arrangements para sa mga manggagawa sa gitna ng krisis sa transportasyon nang hindi makompromiso ang paghahatid ng mabilis at maaasahang serbisyo sa lahat ng mamamayan.

Sunud-sunod ang oil price hikes nitong mga nagdaang buwan matapos ang gera sa pagitan ng Russia at Ukraine, bagay na nagpababa nang husto sa kita ng mga tsuper ng jeep. Dahil dito, umabot na sa puntong isa sa kada limang jeepney driver ang naka-tigil pasada.

"Bilang mga frontliner sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo, ang ating mga manggagawa sa gobyerno ay nangangailangan ng maraming suporta upang harapin ang tumataas na presyo ng mga mahahalagang bilihin at ang kasalukuyang kakulangan ng pampublikong sasakyan,” wika ng senadora noong isang linggo. 

Para sa bawat oras ng paggawa na isinagawa sa ilalim ng WFH arrangement, ipinapanukala ng Senate Bill No. 1706 nina Gatchalian na ibawas ang P25 mula sa taxable income ng mga empleyado. 

Bukod pa rito, iminungkahi niyang ilibre sa pagbubuwis ang mga allowance at iba pang perks na natatanggap ng mga empleyado para sa pagbabayad ng hanggang P2,000 sa buwanang paggasta sa telecommuting.

Dagdag pa ni Gatchalian na bago pa man maglabas ng resolusyon ang Civil Service Commission (CSC) hinggil sa pagpapahintulot ng WFH arrangements sa mga sangay ng gobyerno, ginagawa na ito ng mga pribadong kumpanya. 

Sa ilalim ng Republic Act No. 11165, na kilala rin bilang "Telecommuting Act," maaaring mag-alok ang employer ng pribadong sektor ng telecommuting program sa mga empleyado nito sa boluntaryong batayan, na napapailalim sa napagkasunduang mga tuntunin at kundisyon.

Ayon pa sa senador, ang nakaplanong pagbabawas ng buwis para sa mga manggagawa ay magbibigay sa kanila ng  mataas na take-home pay habang inuudyukan naman ang mga kumpanya na bigyan ang kanilang mga manggagawa ng mga kinakailangang allowance. — Philstar.com intern John Vincent Pagaduan

vuukle comment

GRACE POE

OIL PRICE HIKE

SHERWIN GATCHALIAN

WORK FROM HOME

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with