CREATE Act mahalaga ang papel sa pagbangon ng bansa – DTI Sec. Lopez
MANILA, Philippines — Kinilala ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez ang malaking papel at naiaambag na tulong ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda (2nd District Albay) sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa matapos ang pagkakalugmok dulot ng pandemya sa COVID-19.
Sa liham na ipinadala ni Lopez kay Salceda kamakailan, sinabi ng opisyal na ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act o RA 11536 at mga insentibo nito ang nagsilbing daan tungo sa pagtatag ng bagong istratehiya sa pagbalangkas ng ‘Strategic Investment Promotion Plan (SIPP)’ para sa lahat ng ahensiyang nagsusulong ng pamumuhunan sa bansa. Si Salceda ang pangunahing may-akda ng CREATE Act.
“Nagpapasalamat ang DTI at iba pang Investments Promotion Agencies (IPAs) na kasapi sa Philippine Investment Promotion Plan (PIPP) sa mabisang istratehiyang ito para sa pagbangon ng ating ekonomiya,” saad ni Lopez sa kaniyang liham. Inimbitahan din ni Lopez si Salceda sa “Appreciation Ceremony” na itinakda sa darating na Hunyo 27 sa Makati City.
Ang CREATE Act ay napagtibay bilang batas matapos itong lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 2021 bilang pinakamalaking ‘fiscal stimulus’ para sa mga negosyo sa bansa sa pamamagitan ng mga reporma sa sistema ng pagbubuwis.
Ibinaba ng RA 11534 ang ‘corporate income tax rate’ sa 25% mula sa 30% na ang bisa ay mula noong Hulyo 1, 2020. Una na ring tiniyak ni Salceda na ang agrikultura, bilang pangunahing sektor sa pagsulong ng pagbangon ng bansa, ay tatanggap ng mahahalagang insentibo sa ilalim ng CREATE Act.
- Latest