‘No booster shot card, no entry’ sa Hunyo, malabo na
MANILA, Philippines — Suko na si Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion sa isinusulong niyang ipatupad ng gobyerno sa Hunyo ang “no booster shot card, no entry” sa mga papasok sa mga “enclosed establishment” pangontra sa pagtaas ng COVID-19.
Ayon kay Concepcion, marami ang hindi pumapayag na gawing mandatory ang pagpapakita ng booster shot card dahil kakaunti lamang ang nagpapaturok at mababawasan ang mga papasok sa mga establisimyento.
Pero ipinaalala ni Concepcion na nababawasan na ang bisa ng primary vaccines base na rin sa kanyang naging karanasan matapos kumuha ng antibody test.
“Now, sa unang mga bakuna, siyempre halos 80% na ang kumuha ng mga primary vaccines. Pero sa tingin ko, medyo nagwi-wane na rin iyan, Kasi ako, I took an antibody test, at after may first booster shots, ang laki ng bagsak niya after six months. So, tamang-tama ang sinasabi nila, after your booster shot, you ideally take between four months,” ani Concepcion.
Bagaman at naging “over confident” na aniya ang mga Filipino dahil mahina na ang nai-infect pero nakakaalarma ang posibleng pagtaas muli ng kaso ng COVID-19.
Ayon pa kay Concepcion marami naman ang bakuna sa bansa at mas mabuti nang magamit ito at maiturok kaysa manatili sa mga cold storage at masayang lang.
“So, I am appealing to our citizens na, if you really want to save the Philippine economy and protect lives of people, kunin na natin iyong booster. Kailangan din natin iyan,” dagdag ni Concepcion.
- Latest