Arroyo inendorso si Romualdez sa Speakership
MANILA, Philippines — Inendorso ni dating pangulo at Congresswoman-elect Gloria Macapagal-Arroyo si Leyte 1st District Representative at Majority Leader Martin Romualdez upang maging House speaker ng 19th Congress.
Ayon kay Arroyo, buo ang kanyang suporta para iluklok si Romualdez bilang susunod na House Speaker. Hinimok din nito ang kanilang mga kapartido na suportahan din si Romualdez.
Unang inendorso ng National Unity Party ang speakership ni Romualdez.
Paliwanag ni Arroyo, dekada na silang magkatuwang ni Romualdez sa paglilingkod sa mga Pilipino, kung saan malaking bahagi nito ay bilang kinatawan sa Kamara. Balik kongreso si Arroyo sa Hunyo 30, matapos itong manalo bilang 2nd District representative ng Pampanga.
Samantala, nagpahayag na rin ng suporta ang Nacionalista Party sa pangunguna ni Deputy Speaker Camille Villar kung saan ipinunto nito ang outstanding performance ni Romualdez bilang House Majority Leader sa pagpapasa ng mga vital na batas at pagbubuklod sa mga miyembro ng Kongreso na mula sa magkakaibang partido.
Sa pulong naman ng party-list coalition, tiniyak din nila ang kanilang suporta para sa pag-upo ni Romualdez bilang House speaker.
Naglabas na rin ng statement ang PDP Laban na kanilang sinusuportahan ang speakership ng Leyte solon.
Ayos kay PDP Laban President Alfonso Cusi, naniniwala sila sa kakayanan ni Romualdez na pag-isahin ang Kongreso at ipagpatuloy ang legacy program ng Duterte administration kasabay ng pagsusulong sa agenda ni presumptive president Bongbong Marcos.
- Latest