Bintang na iregularidad sa halalan, kasinungalingan — NTF-ELCAC
MANILA, Philippines — Pawang kasinungalingan lang umano ang mga paratang ng iregularidad sa halalan ng mga komunistang-terorista na idinaraan pa sa pekeng tagapagsalita na si Marco Valbuena.
Ayon kay National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC) acting Spokesperson ng Legal Affairs at Prosecutor 2, Flosemer Chris Gonzalez, ang iginigiit ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na dayaan at iregularidad sa halalan ay propaganda lamang upang udyukan ang taong bayan na sumama sa kanila.
Sinabi ni Gonzales na hindi gusto ng mga teroristang komunista ang pagkapanalo nina dating Senador Bongbong Marcos bilang pangulo at Davao city Mayor Sara Duterte-Carpio bilang bise presidente.
Batay sa nakalap na impormasyon, gagawin at sasamantalahin daw umano ng CPP-NPA-NDF ang sitwasyon upang makapag-recruit pa ng mga kabataang nabubulagan sa kanilang mga kasinungalingan.
Hahadlangan naman umano ito ng NTF-ELCAC upang mailigtas ang mga kabataan lalo na ang mga estudyante sa mga unibersidad na malinlang ng mga komunistang-terorista.
- Latest