^

Bansa

'Biggest in Philippine history': P13-B halaga ng droga nakumpiska sa loob ng 2 linggo

James Relativo - Philstar.com
'Biggest in Philippine history': P13-B halaga ng droga nakumpiska sa loob ng 2 linggo
File photo ni Interior Secretary Eduardo Año
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Aabot sa P13.2 bilyong halaga ng iligal na droga ang napasakamay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police mula ika-6 hanggang ika-19 ng Marso ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), bagay na nangyari ilang buwan bago magtapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito na ang pinakamalaking "drug haul" sa kasaysayan ng anti-illegal drugs program ng gobyerno sa loob ng dalawang linggo kung saan nalambat ang 1,775.2 kilo ng shabu at 421.5 kilo ng marijuana, ani Interior Secretary Eduardo Año.

"Isang napakalaking tagumpay sa ating kampanya laban sa iligal na droga ang pagkakasabat ng tone-toneladang shabu at marijuana," ani Año sa isang pahayag na inilabas, Lunes.

"Binabati ko ang ating mga drug enforcement agencies sa pangunguna ng PDEA at PNP sa kanilang sipag at pagiging masigasig sa pagsasagawa ng mga anti-illegal drugs operations."

Ika-22 lang ng Marso nang iulat ni Año kay Duterte na isa sa major operation sa loob ng time period na ito ang raid na nangyari sa baranggay Karuhatan, Valenzuela City, kung saan P1.10 bilyong halaga ng shabu ang nakuha. Ilan sa mga nahuli roon ang isang Tsino at Pinay.

Halagang P12 bilyon naman daw ng 1,600 kilo ng shabu ang nasabat noong ika-16 ng Marso sa Infanta, Quezon kung saan 10 suspek ang nahuli.

Parte lang ang dalawang operasyon sa 1,794 drug raids na ikinasa noong ika-6 hanggang ika-19 ng buwang ito. 2,471 ang ikinulong kaugnay ito, 61 ang kusang sumuko habang dalawang suspek naman ang napatay.

"Dahil sa mabilis na aksyon at pagpupursigi ng PNP at PDEA, maraming kabataan, pamilya at kinabukasan ang naisalba mula sa perwisyo at salot na dulot ng iligal na droga," dagdag pa ng kalihim ng DILG.

"I urge our drug enforcement agencies to further intensify their operations and target big drug syndicates so we can protect and save our people and our country from the ill effects of illegal drugs."

Sa datos ng PDEA na inilabas ngayong buwan, aabot na sa 6,229 katao ang napapatay sa mga anti-drug operations simula nang umupo si Pangulong Rodrigo Duterte, na nangako nang matinding kampanya laban sa narcotics, noong 2016.

 

 

Sumirit naman na sa 327,039 ang naaaresto kaugnay ng iligal na droga sa ilalim ng administrasyong magtatapos ngayong 2022.

Matagal nang nababatikos ng mga kritiko ang gera kontra droga ni Digong dahil aniya sa "kawalan ng due process" sa ilang kaso at kabila't kanang patayan.

Taong 2021 lang nang aprubahan ng International Criminal Court (ICC) ang full investigasyon hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimen dahil sa naturang kampanya.

vuukle comment

DILG

EDUARDO ANO

HUMAN RIGHTS

MARIJUANA

RODRIGO DUTERTE

SHABU

WAR ON DRUGS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with