Kandidatong madidiskuwalipika maaaring palitan basta kaapelyido – Comelec
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na maaaring palitan ang isang kandidatong madidiskuwalipika basta magkaapelyido sila at buhat sa iisang partido.
Sinabi pa ni Guanzon, miyembro ng Comelec 1st Division na may hawak ng isang disqualification case laban kay dating senador Bongbong Marcos, na hindi kailangan na magkamag-anak o magkadugo ang ipapalit.
Ito umano ang kaibahan sa ‘COC cancellation case’ laban din kay Marcos na ibinasura kamakailan ng Comelec 2nd Division. Sa cancellation case, hindi na maaaring magkaroon ng kahalili ang kandidato na makakansela ang kaniyang ‘certificate of candidacy’ dahil sa umpisa pa lamang ay ‘void’ na ito.
Maaaring magsagawa ng ‘substitution’ ang isang diskuwalipikadong kandidato bago ang tanghali ng mismong araw ng halalan.
- Latest