2 Omicron variant cases naitala sa Camarines Sur, ayon sa DOH-Bikol
MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang kaso ng kinatatakutang COVID-19 Omicron variant sa Pilipinas — sa pagkakataong ito, sa probinsya, ayon sa isang sangay ng Department of Health (DOH) sa Region V.
Ayon sa DOH - Bicol Center for Health Development, Biyernes, natagpuan ang mas nakahahawang variant sa 27-anyos na babae sa Bombon, Camarines Sur at 46-anyos na baba sa Tigaon, Camarines Sur.
27-anyos na kaso
- manggagawa sa pribadong opisina sa Maynila
- close contact ng isa pang COVID-19 case
- nagpositibo sa isang test noong ika-15 ng Disyembre
- asymptomatic
- fully-vaccinated ng Sinovac
- gumaling na
46-anyos na kaso
- school staff member
- unang inakalang Delta variant, Omicron pala noong inulit
- nagkaroon ng mild signs and symptoms noong ika-16 ng Nobyembre
- tagged as recovered na noong ika-6 ng Disyembre- walang travel history abroad o sa Maynila
- partially vaccinated pa lang ng Sinovac
Ang 46-year-old case ay nakararamdam na ng sintomas ng sakit halos dalawang linggo bago pa dumating ng bansa ang unang kaso ng Omicron variant galing Nigeria.
"With this development, the Bicol CHD is coordinating with the local health authorities, through the Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) of the Camarines Sur Provincial Health Office for immediate response," ayon sa ahensya.
"An urgent call to trace and identify all contacts up to the 3rd generation of cases is strongly recommended to commence immediately."
Kinukumpirma pa naman ng media sa central office ng DOH ang ulat ng kanilang counterparts sa Rehiyon ng Bicol.
Hindi pa naman tumutugon ang Kagawaran ng Kalusugan kung ito na ba ang ikalima at ikaanim na kaso ng Omicron variant sa Pilipinas, o kung may nadagdag pang iba mula sa ibang mga probinsya matapos makumpirma ang Omicron case sa isang Pinay galing Estados Unidos.
Dumating ang naturang update isang araw matapos ideklara ng Palasyo ang maluwag-luwag na Alert Level 2 para sa buong Pilipinas hanggang ika-15 ng Enero, 2022.
Antabayanan ang mga karagdagang detalye sa balitang ito
- Latest